Thursday, June 25, 2009

KWENTONG KUTSERO!!

why cows and carabaos look the way they do?

Kuwento Ng Kalabaw

Ang susunod na kwento ay nagpapaliwanag kung bakit masikip ang balat ng kalabaw at maluwang naman ang sa baka.

Si Mang Catalino ay matagumpay na mambubukid. Katunayan, umunlad ang kanyang kabuhayan dahil sa pagbubungkal ng lupa at paghahalaman. Kung siya’y may matatawag na kahinaan sa buhay, ito’y ang masyadong kasipagan. Siya’y trabaho nang trabaho. Ngunit ang araw ng Linggo ay kanyang ipinangingilin. Siya’y hindi nakalilimot magsimba.

Maagang-maaga noon. Kinalagan ni Mang Catalino si Kalakian sapagkat ito’y nakatali sa ilalim ng kamatsili. Gusto niyang pumunta sa gutaran upang mag-araro.

Si Kalakian ay nagsalita, “Mang Catalino, yamang ang araw na ito ay aming kaarawan, Araw ng mga Hayop, maanong kami’y inyong pahintulutang magsaya.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Ang araw na ito’y ituring ninyong pagngilin. Huwag ninyo kaming papagtrabahuhin.”

“Sinong kami?” tanong ni Mang Catalino.

“Kami po ni Baka.”

“Anong gusto ninyong gawin?” pag-uulit sa unang tanong.

“Kami po ni Baka ay gusting magliwaliw sa ilog. Gusto naming lumangoy at maglaro.”

“Oo. Pahihintulutan ko kayo ngunit pagdating ng ikasampu, kayo’y uuwi. May pupuntahan tayo. Hindi ko na kayo dapat pang sunduin.”

Masayang-masay ang dalawa. Si Baka ay umunga nang malakas at mahaba. Sila’y nagpunta sa ilog. Ito’y hindi naman kalayuan.

Nang naliligo na ang dalawa si Baka ay nagtanong, “Kaibigan, ikaw ba’y kuntento na sa iyong buhay?”

“Oo, at ikaw?” sagot-tanong ng kalabaw.

“Ako’y maligaya. Mabait ang ating amo. Kahit maghapong nag-aararo, sagana naman tayo sa pagkain. Nawawala agad ang pagod ko kung ako’y makapaglublob sa putik. Bakit naitanong mo iyan?”

“Di nga’t palagay ko ay ganito na lamang tayo habambuhay, walang pag-asenso.”

“Bakit naman?”

Si Baka ay hindi sumagot.

Sa kalalangoy at kalalaro ng dalawa, hindi nila nahalata na tanghali na pala. Mag-iikalabindalawa na, katanghaliang pipitik.

Narito na si Mang Catalino at sila’y kinakaon. Malayo pa ay nakita na nilang may dalang pamalo. Hindi naman sila binubulyawan. Sila’y dali-daling umahon. Sila’y dumako sa may balanggutan at doon nagbihis. Naroon ang kanilang damit.

Sa pagmamadali at takot sa panginoon, ang dinampot na damit ni Kalakian ay ang kay Baka at ang nakuha naman ni Baka ang kay Kalakian. Sila’y nagkapalit. Dali-dali nilang isinuot ang saplot upang huwag silang abutan.

Takbuhan ang dalawa pauwi. Hirap na hirap si Kalakian sa pagtakbo sapagkat ang suot na damit ay sikip na sikip. Ang suot naman ni Baka ay napakaluwang at nakasampay lamang.

Mula noon ang kalabaw ay iimpang-impang kung lumakad at si Baka nama’y mabilis humagpay at kumilos. Iyan ang dahilan kung bakit masikip ang balat ng Kalabaw at Maluwang naman ang sa Baka.


ngayon alam mo nah!!

ano pang alam mo??

No comments: